Viral ngayon sa social media ang post ni Jab Escutin, mula sa Maynila, tampok ang isang delivery rider na pinaupo at binigyan pa ng drinks at complimentary bread ng isang restaurant sa Mandaluyong City.
Sa panayam ng Balita, ibinahagi ni Escutin na kumakain siya kasama ang kaniyang pamilya sa Texas Roadhouse Grill sa Shangrila Mall noong Mayo 3 nang matunghayan ang mabuting trato ng restaurant sa Grab delivery rider habang hinihintay na maihanda ang mga order na idedeliver nito.
Dahil first time daw niyang na-experience ang ganoong klase ng kabutihan, ipinost niya ito sa Facebook na agad namang nag-viral.
“Siguro meron din ibang resto na maayos ang trato sa Grab/ Delivery Riders pero first time ko talaga nakita na ganito and nakakataba ng puso makita na maayos trato sa kanila dito,” saad ni Escutin sa kaniyang post.
Nang umalis na raw ang rider, tinanong nina Escutin sa waitress kung bakit nila ginawa iyon.
“Sabi sa’min, ‘kasi napapagod din naman sila, and paano kung kamag-anak namin ‘yan na nagtatrabaho din pero di binibigyan ng maayos na serbisyo para makapaghinga man lang sa buong araw. Kung tutuusin customer din namin sila’,” kuwento ni Escutin.
Sinigurado naman daw niya na naramdaman ng mga staff sa nasabing restaurant na natuwa siya sa ginawa nila para mas ma-engganyo raw ang mga ito na gumawa pa ng kabutihan sa susunod.
“Kaya pag may nakita din kayong magandang asal, sana ipakita n’yo na natutuwa kayo para lalong ganahan ‘yung mga ganito sa pagtulong or maayos na serbisyo sa kapwa manggagawa,” saad pa ni Escutin.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 29,000 reactions, 178 comments, at 6,900 shares ang naturang post.
“Saludo sa inyo, Texas Roadhouse!!! thanks for recognizing the hard efforts of our delivery riders. 🙂,” komento naman ng isang netizen.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!