Tuloy pa rin sa industriya ng musika ang award-winning singer na si Ed Sheeran matapos nito maipanalo ang lawsuit na isinampa sa kaniya.
Matapos ang dalawang araw na paglilitis, unanimous ang naging desisyon ng korte kontra sa plagiarism case ng singer sa kanta nitong "Thinking Out Loud," na sinasabing kopya sa kanta ni Marvin Gaye noong 1973 na "Let's Get It On."
“I am obviously very happy with the outcome of the case. At the same time, I am unbelievably frustrated that baseless claims like this are allowed to go to court at all," anang singer nang ilabas ang desisyon ng Manhattan court.
"Most pop songs can fit over most pop songs," naunang depensa ni Sheeran.
Ipinakita mismo ng hitmaker ang proseso nito sa pagkanta nang tumestigo ito.
Matatandaan na ang kaso ay unang isinampa noong 2017, ngunit umabot ng anim na taon upang tuluyang maabot ang isang pederal na hukuman ng Manhattan.
Si Sheeran ay idinemanda ng mga tagapagmana ni Ed Townsend, ang songwriter na bumuo ng slow jam classic Let's Get It On kasama si Gaye.
Ayon sa isinampang lawsuit, ang singer ay nangopya ng mga harmonic progression ng nasabing kanta pati na rin ang melodic at rhythmic elements nang walang pahintulot.
Sinabi naman ng singer na kung hindi niya maipapanalo ang kaso ay plano niyang huminto sa industriya ng musika.