Nagbigay ng reaksiyon ang social media personality na si Valentine Rosales hinggil sa balitang naaksidente ang partner ng social media influencer na si Whamos Cruz, na si Antonette Gail Del Rosario kaya kinailangang magpa-nose surgery.
Ibinahagi ni Antonette ang kaniyang video kung saan makikitang tila may tapal ang kaniyang ilong at dumaan sa isang nose procedure.
Ngunit ayon kay Antonette, kinailangan niyang magpa-nose surgery dahil nabalian siya ng buto ng ilong matapos ang isang aksidente.
Kuwento nilang mag-partner, nag-aayos ng ilaw si Antonette nang di-sinasadyang madulas siya at mahulog. Tumama ang kaniyang ilong sa isang matigas na bagay na naging dahilan upang mabalian siya ng buto sa ilong.
Ngunit sa comment section ay tila hindi naging kumbinsido ang mga netizen at sinabihan nila si Antonette na baka naman balak talaga nitong magpaayos ng ilong.
"Manood maigi bago mag-comment lalo na sa mga di nagtatapos ng vlog jan tapusin n'yo nang malaman n'yo kung baket nagpaayos," ani Whamos.
"Kaya po ako nagpaayos ng ilong dahil may bali pong buto sa loob ng ilong ko gawa ng naaksidente ako," depensa ni Antonette Gail.
Nagbigay naman ng reaksiyon si Valentine sa comment section ng Balita.
"Natamaan lang ng lamp nabali agad ang buto aba magaling."
Isang netizen naman ang bumarda sa kaniya, "Papansin… nagpagawa ka rin naman… Baka akala mo nakalimutan na namin na sangkot ka sa pagkamatay ng flight attendant…"
Matatandaang nagpaayos ng kaniyang eyelids at lips si Valentine na umani rin ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.