Inireklamo ng Filipino-American singer na si Garth Garcia ang assistant ni Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda matapos daw itong "mangmaltrato" sa kasagsagan ng US concert ng "It's Showtime" host-comedian noong Abril 23, 2023 na ginanap sa Yaamava’ Resort & Casino sa Highland, California, USA.

Ayon sa inilabas na ulat ng PEP, inireklamo ni Garcia ang assistant matapos daw silang tratuhin at sigaw-sigawan na parang hindi mga kabilang sa produksyon ni Vice Ganda.

Katwiran ni Garcia, kahit na "front act artists" sila, hindi raw dapat ganoon ang treatment sa kanila.

Unang sinita ni Garcia ang kawalan daw ng dressing room/area para sa front act artists. Dahil dito, inilagay raw ng ibang artists ang mga gamit nila sa bandang dining area.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Nang makita raw ito ng assistant ni Vice ay sinigawan daw sila at tila busabos na pinaligpit at pinaalis ang mga gamit.

Ang pangalawang pambabastos raw ay nang tawagin sila para maki-celebrate sa buong production staff matapos ang matagumpay na concert.

Nang makita raw sila ng assistant ni Vice ay pinalayas daw sila. "Alis! Alis kayo rito!" sey daw nito.

Paglilinaw ni Garcia, may isyu lamang siya sa assistant ni Vice at wala siyang isyu sa komedyante.

Sa tingin ng Fil-Am singer, dapat mas maging polite sa susunod ang assistant ni Vice lalo na kung pumupunta sa ibang bansa para mag-concert, dahil sila ang dayo roon.

Kung magkakaroon man daw ulit ng concert ang TV host-comedian sa Amerika, mukhang magdadalawang-isip na siyang maging front act, kung mahihiritan ulit siya.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Vice Ganda tungkol sa isyung ito.