Pinawi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pangamba ng publiko na posibleng magkaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Pangulo matapos dumalo sa groundbreaking ceremony ng proyektong 4PH (Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing) sa Heroes Ville, Barangay Gaya-Gaya, City of San Jose del Monte (CSJDM), Bulacan nitong Miyerkules, Abril 19, sinabi ni Marcos hindi mauulit ang nangyari noong 2018 kung saan nakaranas ng krisis sa bigas ang bansa.
Aniya, sapat pa ang suplay ng bigas sa bansa at pananatilihin din ng pamahalaan ang matatag na presyo nito.
Kamakailan, binanggit din ni Marcos na unti-unti nang bumabalik ang pre-pandemic status ng bansa-- gumaganda ang sitwasyon ng agricultural sector at bumaba rin ang importation level ng gobyerno.