Patuloy sa pagtaas ang Covid-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account nitong Lunes, nabatid na umabot na sa 7.2% ang Covid-19 positivity rate sa rehiyon noong Sabado, Abril 15.

Ito ay pagtaas mula sa dating 6.5% lamang noong Abril 8.

Ayon kay David, bukod naman sa NCR, nakapagtala rin ng mataas na positivity rates ang tatlo pang lalawigan na kinabibilangan ng Misamis Oriental (22.7%), Camarines Sur (21.1%), at Rizal (20.2%).

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

Nakapagtala naman ng positivity rates na lampas sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) ang mga lalawigan ng Benguet, Cavite, Cebu, Davao del Sur, Isabela, Laguna, Negros Occidental, Pampanga, South Cotabato at Zamboanga del Sur.

Ang mga lalawigan naman ng Batangas, Bulacan, Iloilo, Palawan, at Pangasinan ay nakapagtala ng Covid-19 positivity rates na mas mababa sa 5% threshold.

Ang positivity rates ay ang porsiyento ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.