Patay ang isang miyembro ng Barangay Security Force (BSF) matapos na bumalik sa loob ng kanyang nasusunog na tahanan sa Pasig City nitong Martes, upang iligtas sana ang kanyang anak na inakala niyang naiwanan sa loob.

Hindi na halos makilala umano ang bangkay ng biktimang nakilalang si Allan Boryongan, 42, miyembro ng Barangay Security Force ng Barangay Pinagbuhatan, Pasig City, nang matagpuan ng mga bumbero.

Samantala, nasugatan naman sa sunog ang apat pang biktima na sina Roland Gumanas, 47, na nasugatan sa noo; Raymond Reyes, 31, na nagtamo ng paso sa kaliwang kamay; Kevin Gonzales, 25, na nasugatan rin sa kaliwang kamay at Angelo Lupid, 27, na nasugatan sa kaliwang paa.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-11:48 ng tanghali nang sumiklab ang sunog sa Esguerra St. Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Nasa labas na umano si Boryongan nang bigla itong bumalik sa loob ng kanilang naglalagablab na tahanan, sa pag-aakalang naiwan pa doon ang kanyang anak.

Gayunman, minalas na hindi na nakalabas pang muli ang biktima at natagpuan na lamang ang kanyang tupok na bangkay, pasado alas-4:00 ng hapon, sa isinagawang mapping operation.

Nasa 55 tahanan na pawang gawa sa mga light materials ang tinupok ng apoy dahil naging pahirapan ang pag-apula sa sunog bunsod ng makikitid ang kalsada papasok sa compound.

Umabot pa sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong ala-1:12 ng hapon.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.