Nailigtas ng Philippine Red Cross (PRC) ang buhay ng dalawang katao na muntik nang malunod nitong nakalipas na Mahal na Araw.

Ayon sa PRC, kabilang dito ang isang 15-anyos na dalagita na muntik nang malunod sa tourism section ng Wawa Dam sa Brgy. San Rafael, Montalban, Rizal noong Abril 9 at isang lalaking muntik nang malunod sa isang resort sa Panglao, Bohol.

Nabatid na mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng PRC Emergency Medical Services mula sa Rizal Province Branch at PRC Bohol chapter, at nagkaloob ng emergency medical care sa mga pasyente, kabilang na ang pagbubukas ng daanang hangin ng mga ito, na nagpabalik sa kanilang ulirat.

Pinuri naman ni PRC Chairman Dick Gordon ang mabilis na pag-aksyon ng PRC Emergency Medical Services team at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga well-trained emergency medical personnel at mga kaukulang kagamitan para sa pagresponde sa mga kahalintulad na emergencies.

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

“This incident serves as a reminder of the crucial role that the Philippine Red Cross Rizal Chapter - Rizal Province Branch plays in saving lives and promoting public safety in our communities. Kudos to the PRC Rizal Chapter for their exceptional work in responding to emergencies and saving lives,” ani Gordon.

Sa datos naman ng PRC, nabatid na hanggang alas-8:00 ng madaling araw ng Abril 10, 2023, ang mga volunteers at staff ng PRC Emergency Medical Services ay nakapagkaloob na ng tulong sa may 5,234 indibidwal, na nakuhanan ng blood pressure, nakaranas ng pagkahilo, laserasyon, abrasion, lintos, pagkawala ng malay, pamamanhid, nakaapak ng sea urchin at natusok ng bubuyog, kombulsyon, pananakit ng dibdib, hirap sa paghinga, pananakit ng ulo at pamamaga.