Tahasang inamin ng Brazilian model at misis ni John Estrada na si Priscilla Meirelles na may problema nilang mag-asawa pagdating sa kanilang relasyon.

Matatandaang pinag-usapan ang makahulugang IG stories ni Priscilla patungkol sa "cheaters." Nagtanong pa siya kung ano ang itatawag sa isang babaeng ineentertain ang isang married man/woman.

'Nagbabagang tsaa!' Cryptic posts ng misis ni John Estrada, usap-usapan

Pagkatapos nito, lumutang ang pangalan ng isang Cebuana influencer matapos nitong i-post ang screenshots ng kumbersasyon nila ni Priscilla, kung saan kinukompronta siya nito kung bakit nagkakausap sila ng mister. Giit naman ng influencer na wala silang "something" ni John.

Sa panayam naman ng PEP kay Priscilla, inamin niyang may marital problem nga sila ni John, at take note, "napuno" na raw siya dahil matagal-tagal na raw yata ang kanilang pinagdaraanan ngayon sa kanilang relasyon.

Hindi na idinetalye pa ni Priscilla kung ano-ano ang tinutukoy na problema nila ng mister subalit panalangin niya, sana raw ay makayanan niya at maging malakas siya sa pagharap dito.

Sa panahon daw ngayon na tila tino-tolerate na ang bad behaviors, napagtanto niyang kinakailangan na niyang magsalita at huwag nang manahimik. Hindi raw kasi nito nareresolba ang problema.

Hindi rin daw maintindihan ni Priscilla kung bakit may mga babaeng nagagawang "mang-agaw" ng ibang lalaking may karelasyon o may asawa na.

“As a woman, I believe we women should always have each other’s back. I honestly don’t understand why some others only want to destroy and steal. We have the power, let’s use it for good," ani Priscilla sa panayam ng PEP.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si John tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.