Isang panalo na lamang ang kailangan ng Ginebra San Miguel upang tuluyang makapasok sa PBA Governors' Cup finals.
Ito ay nang padapain ng Gin Kings ang sister team na San Miguel Beer, 121-103, sa Ynares Center sa Antipolo City nitong Linggo.
Taglay na ng Ginebra ang 2-0 lead sa kanilang semifinal series.
Ibinandera muli ng Ginebra sina Justin Brownlee at Christian Standhardinger na kapwa nagtala ng 32 points, kasunod nila si Scottie Thompson na naka-triple-double (21 points, 11 rebounds, at 11 assists).
Hindi naman nagpahuli si Jamie Malonzo matapos mag-ambag ng 11 markers.
Hindi nakakuha ng bentahe ang Beermen sa naturang laban.
Si San Miguel import Cameron Clark ay kumolekta lamang ng 23 points, habang ang kakamping si CJ Perez ay kumubra ng 20 points.
Itinakda ang Game 3 sa Araneta Coliseum sa Miyerkules dakong 3:00 ng hapon.