Hot topic nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Ate Mrena sa kanilang showbiz-oriented vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update" ang umano'y napipinto nang pamamaalam sa ere ng noontime show na "Tropang LOL" o Lunch Out Loud" produced by Brighlight Productions na umeere sa TV5, Kapamilya Channel, at A2Z.

Iyan daw ay ayon sa reliable source ni Ogie. Tsika nito, ang last day of taping nila ay sa Marso 29, at ang last airing naman ay sa Abril 29, "kung tama raw ang ibinalita" sa kanila.

At paano nabuking? Aksidenteng nakausap daw ng isa sa mga TV host ng Tropang LOL ang dating "Magandang Buhay" momshie host na si Karla Estrada, at ibinalita naman ng huli na magbabalik-telebisyon na siya, at ito ay sa TV5.

Magbabalik na rin daw sa ere ang patok na "Face to Face" na dating hinost nina Tyang Amy Perez at Ateng Gelli De Belen sa TV 5. This time ay makakasama niya ang komedyanteng si Alex Calleja.

'Sa dami ng nagbabardagulan!' Celebrity edition ng 'Face to Face,' hirit ng netizens

Nang matanong daw kung anong timeslot, sinabi ni Karla na 11 hanggang 12 ng tanghali, weekdays.

Eh ito ang timeslot ng Tropang LOL weekdays!

Kaya naman, nawindang ang naturang host sa kaniyang mga nalaman kay Karla. Agad itong ipinagtanong ng TV host sa kinauukulan, at dito na raw nakumpirmang dapat nga raw, Abril 15 lang, pero nakiusap ang producer sa TV5 na baka puwedeng i-extend hanggang Abril 29.

Baka naman daw lilipat lang ng timeslot, tanong ni Mama Loi.

Sana nga raw, gano'n, sey naman ni Ogie, pero ang nakarating nga sa kaniya, baka nga ilipat ito sa ibang timeslot at bandang hapon na.

Which means to say, babalik na sa 12NN timeslot ang "It's Showtime" na napapanood na rin sa TV5.

Samantala, ang "Eat Bulaga" naman ay usap-usapang daraan sa isang "rebranding" na ipapasabog din sa Abril.

Sa Face to Face naman, matatandaang napaulat na rin dito sa Balita ang panawagan ng netizens na sana raw, bumalik na nga ito at gawing "celebrity edition" dahil sa dami ng mga nagbabardagulang celebrity at online personalities sa nagdaang buwan.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang mga taong involved sa tsikang ito.