Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Marso 23, na maaaring magsimulang maranasan ng bansa ang El Niño sa third quarter ng taon o sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo at Setyembre.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis, ang nasabing pagkakaroon ng El Niño na may probabilidad ng 55% ay maaaring mangyari hanggang 2024.
Dahil dito, nag-isyu na umano ang PAGASA ng El Niño Watch.
Binanggit din ni Solis na maaaring magkaroon ng maagang epekto ang El Niño sa Visayas at Mindanao na posibleng makaranas ng mas mababa sa normal na pag-ulan sa mga susunod na buwan.
Bagama't maaari rin umanong magkaroon ng mga bagyo, ang ilan umano sa mga ito ay posibleng mag-recurve at hindi na makapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Pinapataas umano ng El Niño ang posibilidad ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan, na maaaring magdulot ng tagtuyot sa ilang mga lugar sa bansa.
Sa tala ng PAGASA, taong 2018 hanggang 2019 nang huling maranasan ang El Niño.