Binira ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa kawalan nito ng aksyon na arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa radio program na “Ted Failon DJ Chacha” nitong Martes, Mayo 12, sinabi ni Trillanes na nagdududa na raw siya kung saang panig nakakiling si Remulla.
“Nagdududa na ako rito kay Sec. Jonvic, kung kanino ba talaga kakampi ito? Kasi no'ng over the weekend no'ng may ganyang ugong-ugong, nagmalaki siya na may 10,000 nga na magbabantay at maghahanap,” saad ni Trillanes.
Dagdag pa niya, “Sinabi na nga ng kapatid niya [DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla] last year pa ng November, e, may warrant na. Bakit hindi niya pinahanap? Tapos ngayon na mayro'n na ngang warrant at lumabas na si Bato, e suddenly hindi raw puwedeng i-enforce 'yong warrant na 'yon.”
Ayon sa dating senador, kung binawas-bawasan lang daw sana ni Remulla ang pagharap sa mga press conference, baka may nadakip na ito.
“Kasi lahat po ng pugante ay malaya under Sec. Jonvic dahil hindi naman niya ginagawa ang trabaho niya,” dugtong pa ni Trillanes.
Matatandaang kinumpirma na ng International Criminal Court na ang kumakalat na arrest warrant laban kay Dela Rosa ay opisyal na dokumento ng korte na inilabas ng tribunal.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Sa kasalukuyan, nagkakanlong sa loob ng Senado si Dela Rosa matapos siyang gawaran ng protective custody.
Maki-Balita: Lockdown, ipinatutupad sa Senado kasunod ng pagbulaga ni Sen. Bato