Nagbigay ng update ang character actor na si Raul Dillo, madalas na gumaganap bilang "Kapre" at "Frankenstein" sa pelikula, sa paghingi niya ng tulong kay "FPJ's Batang Quiapo" lead actor at director Coco Martin na sana ay mabigyan siya ng trabaho para naman kumita siya.

Matatandaang lakas-loob na nag-video si Raul at nanawagan sa kaniyang loding si Coco na sana ay mapabilang siya sa Batang Quiapo.

Nakarating umano ito sa kaalaman ni Direk Coco at hindi ito nagdalawang-isip na ipasok siya sa hit teleserye. Hindi pa sigurado kung anong ganap ni Raul pero siyempre, magkakaalaman na lang kapag bumulaga na siya sa screen ng telebisyon o gadgets ng manonood.

Sa video na ibinahagi niya sa Facebook, tinawagan umano siya ng pamunuan ng ABS-CBN at ipinaalam sa kaniyang isasama siya sa cast.

Aktor na gumaganap na 'kapre' at 'Frankenstein' sa pelikula, nagpapasaklolo kay Coco Martin

"Hindi ko po lubos akalaing ako ay bibigyan ng pansin, ang aking panawagan kay idol Direk Coco Martin," aniya sa video.

"Natawagan na po ako ng production ng Batang Quiapo at napansin na po ni Direk Coco Martin ang aking panawagan. Kaya po nag-uumapaw po ang aking kaligayahan, hindi ko po halos ine-expect ito,” aniya.

“Gagawin ko po ang lahat para po mabigyan ko kayo ng kasiyahan sa pamumuhay po sa araw-araw at lubos po talaga ang aking kaligayahan dahil kung hindi dahil sa inyo ay hindi ako mapapansin ni direk idol Coco Martin,” pangako niya sa netizens.

Well, kahit noong FPJ's Ang Probinsiyano days pa naman, talagang ganiyan na si Coco sa mga artistang walang proyekto. Marami sa cast member ang natulungan niya at nabigyan ng pangalawang pagkakataong mapabilang sa serye, gaya nina Whitney Tyson, CJ Ramos, John Wayne Sace, at marami pang iba.