Dahil sa paghina ng amihan, maaaring umabot sa Verde Island Passage (VIP) at mga lugar sa baybayin ng Batangas ang oil spill na nagmula sa lumubog na MT PRINCESS EMPRESS, ayon sa mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) Marine Science Institute.
Sa pahayag ng UP Marine Science Institute, ibinahagi nitong maaaring dumaloy ang ilang mga langis pahilaga na posibleng makarating na sa ibang bahagi ng VIP sa Marso 16 dahil sa paghina ng amihan.
Kapag nangyari iyon, maaapektuhan umano ang ilang baybayin ng Calapan, Verde Island, at ilan pang bahagi ng Batangas.
Matatagpuan umano sa VIP ang global center ng marine biodiversity, kung saan tinatayang 2-milyong indibidwal ang nakikinabang sa mga lamang-dagat nito.
"The VIP is the body of water between Batangas and Mindoro and it has the highest concentration of coastal fishes, corals, crustaceans, molluscs, seagrasses, and mangroves. The VIP is also home to endangered and threatened species including the critically endangered hawksbill turtle, whale sharks, manta rays, dugongs, humphead wrasses, giant groupers, and giant clams," anang UP Marine Science Institute.
"Damage from the oil spill may affect biodiversity (including endemic species only found in the Philippines as well as species yet to be discovered), tourism revenues, and food security in the area," dagdag nito.
Matatandaang lumubog ang naturang MT PRINCESS EMPRESS na may kargang 800,000 litro ng industrial oil sa Naujan Oriental Mindoro noong Pebrero 28 dahil sa umano'y lakas ng alon.