Inihain ng Makabayan bloc nitong Lunes, Marso 13, ang House Bill No. 7568 na naglalayong taasan ng ₱750 ang sahod kada araw ng mga manggagawa sa pribadong sektor ng bansa.
Sa paghain ng panukalang batas, nanawagan sina Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list France Castro, at Kabataan Party-list Raoul Manuel kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing "urgent" ang pagpapasa nito dahil malaki umano ang maitutulong ng nasabing taas-sahod sa mga pamilyang Pilipino.
“This proposed wage increase bill should be certified as urgent by President Marcos Jr. Legislating a significant wage increase is long overdue, especially under the current dire circumstances,” saad ng kanilang explanatory note.
Sa ilalim ng House Bill No. 7568, makatatanggap ng pagtaas ng sahod ang lahat ng mga empleyado sa pribadong sektor, kasama na rin dito ang mga nagtatrabaho sa Special Economic Zones (SEZs) at Freeport Zones.
Kapag naipasa ang panukalang batas, ang magiging bagong "daily minimum wage” ay ang pinagsamang kasalukuyang sahod kada-araw ng isang empleyado at ang ₱750 across-the-board at nationwide wage increase.