Isa umanong organisadong crime group ang pumaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa Pamplona, Negros Oriental nitong Sabado ng umaga, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa radio interview nitong Linggo, ipinaliwanag ni PNP public information office chief, Col. Red Maranan na hindi ordinaryong kriminal ang mga suspek sa pamamaril.

“Meron itong grupo…Ang tawag natin dito sa mga ‘to ay organized crime groups sapagkat hindi naman ito mga ordinaryong kriminal kasi may mga sasakyan sila, matataas na kalibre ng baril, nakakakuha sila ng mga uniporme ng law enforcement agencies. So, isa talaga itong organisadong criminal groups,” aniya.

Isa aniya sa ikaapat na suspek ay napatay ng mga awtoridad sa Barangay Cansumalig, Bayawan City nitong Sabado ng gabi.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Tatlo pa lamang sa mga suspek ang nasa kustodiya na ng Police Provincial Headquarters sa Camp Francisco Fernandez sa Agan-an, Sibular, Negros Oriental.

Tinutugis pa ng tropa ng pamahalaan ang iba pang suspek.

Inaalam na aniya nila kung sino ang mastermind sa pamamaril na ikinasawi ng siyam katao.

Matatandaang nasa labas ng kanilang residential compound si Degamo dahil sa pamamahagi ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nang sumalakay ang mga suspek na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.