Dinakip ng mga awtoridad ang apat na Taiwanese na wanted umano sa kanilang lugar sa kanilang pinagtataguan sa Makati City kamakailan, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Pansamantalang nakapiit sa BI Warden Facility (BIWF) sina Wu Jheng Long, alyas Wu Chang Long; Chen Chien-Ning, alyas Chang Yung Han; Chun-Yu; at Yang Zong Bao.
Ang mga ito ay dinampot ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Anti Organized Crime Unit, BI-Fugitive Search Unit, at Philippine Drug Enforcement Agency sa Rockwell, Makati City at sa Calumpang Road, Dasmariñas Village, Makati nitong Marso 1 ng gabi.
Kasama rin sa operasyon si Police Attache of Taiwan Po-Yuan Charlie Wu.
Sinabi ng BI, sangkot umano ang apat na dayuhan sa paggawa ng iligal na droga sa Taiwan, telecom fraud operations at iba pang iligal na gawain.
Nakumpiska sa apat na dayuhan ang ilang baril na kinabibilangan ng Glock 26 Austria 9x19 9mm, Sigsauer made in Germany 9mm, 5.7x28mm caliber, Jericho 941 9mm, Cz75 Compact Cal. 9mm luger at Cal. 40 at ilang bala nito.
Tiniyak naman ng BI na ipatatapon nila sa Taiwan ang apat na banyaga.