June 02, 2026

Home BALITA

Heidi Mendoza, lumalim pag-unawa sa LGBTQIA+

Heidi Mendoza, lumalim pag-unawa sa LGBTQIA+
Photo Courtesy: Heidi Mendoza (FB), Pexels

Pinuksa ng dating komisyuner ng Commission on Audit (COA) na si Heidi Mendoza ang misconception sa kaniya ng marami kaugnay sa pananaw niya sa mga kasapi ng LGBTQIA+ community.

Sa isang Facebook post ni Heidi noong Lunes, Hunyo 1, ibinahagi niyang marami umanong lumalapit sa kaniya at nagsasabing binoto siya ng mga ito bilang senador noong 2025 midterm elections kahit ayaw daw  niya sa mga bading.

“Hindi po iyon totoo,” anang dating COA Commissioner. “Ang totoo, galing ako sa konserbatibong pinagmulan at sa henerasyong hindi laging naturuan na pakinggan nang buo ang karanasan ng LGBTQIA+ community.”

“Inaamin ko, tulad ng maraming Pilipino, may mga bagay akong mas matagal dapat pinakinggan, mas malalim dapat inunawa, at mas maaga dapat ipinaglaban,” dugtong pa ni Heidi.

Ayon sa kaniya, sa mahabang panahon umano ng kaniyang paglilingkod sa COA at United Nations (UN), napaliligiran daw siya ng mahuhusay, matatalino, masisipag, at mapagkakatiwalaang LGBTQIA+.

4Ps beneficiaries, 'required' makiisa sa Brigada Eskuwela

“Marami sa kanila ang naging katuwang ko sa trabaho, sa paglilingkod, at sa mahihirap na panahong kailangan ko ng tapang at malasakit. Marami rin sa kanila ay kasama ko sa kampanya,” saad ni Heidi.

Dagdag pa niya, “At dahil ligtas ako sa piling nila, may mga panahong inakala kong ligtas na rin sila sa mundo. Doon lumalim ang aking pag-unawa.”

Kaya naman nanawagan si Heidi na kailangan umanong seryosohin ang proteksyon laban sa diskriminasyon.

“At kailangang matuto rin ang mga tulad ko na ang mabuting intensyon ay hindi sapat kung hindi ito nauuwi sa mas makatarungan at mas makataong paninindigan,” pahabol pa niya.

Matatandaang naging kontrobersiyal si Heidi noong 2025 midterm elections dahil sa tindig niya hinggil sa same-sex marriage.

MAKI-BALITA: Dahil di pabor sa same sex marriage: Heidi Mendoza, ekis na kay Sassa Gurl