Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang probinsya ng Batangas nitong Huwebes ng hapon, Marso 2, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang nasabing lindol na tectonic ang pinagmulan kaninang 5:51 ng hapon.
Namataan ang epicenter ng lindol 16 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Calatagan, Batangas, na may lalim na 133 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity I sa Puerto Galera at Calapan City, Oriental Mindoro.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks nito.
Wala rin umanong inaasahang magiging pinsala ang nasabing pagyanig.