Arestado ang anim na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity group at hinihinalang sangkot sa pagkamatay ng 24-anyos na estudyante ng Adamson University na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.

Isang fraternity neophyte na nagngangalang Roi Dela Cruz ang nagtungo umano sa Biñan City Police Station (CPS) nitong Miyerkules ng gabi, Marso 1, upang kumpirmahin ang mga identidad ng anim na mga suspek na nasa police station na para magbigay ng kanilang mga pahayag.

Sa panayam ng GMA News, ibinahagi ni Dela Cruz na habang ginaganap umano ang kanilang initiation rites, narinig niya ang isang miyembro ng fraternity na kinakausap si Salilig.

“Narinig ko, ‘Ano okay ka lang?’ Sabi niya, ‘Okay lang ako’,” ani Dela Cruz.

Hontiveros sa pagpatay sa isang college student: 'Hazing has no place in our society'

Inimbitahan daw si Dela Cruz ng mga miyembro ng nasabing fraternity para sumali at sinabing makatatanggap lamang siya ng 12 hanggang 24 na palo sa initiation rites.

“Ang sabi sa akin is since we have anti-hazing law ngayon sa batas natin, ang ibibigay na lang, like 12 to 24. Marami na ‘yung 24. So naniwala ako, plus the benefits na pwede kong matanggap. So pinursue ko kasi I also want to help my parents kasi may financial struggle din kami,” saad ni Dela Cruz.

Ngunit taliwas sa ipinangako, mahigit 70 beses na palo umano ang kaniyang natamo. Bukod pa roon, binuhusan din daw siya ng nasusunog na wax ng kandila at saka pinagpapalo ng sinturon.

Ayon kay Biñan CPS acting chief Lt. Col. Virgilio M. Jopia, bagama’t maituturing na naresolba na ang kaso, hindi pa raw nila ito tuluyang isasara.

Natagpuang patay si Salilig noong Pebrero 28 sa Barangay Malagasang, Imus, Cavite, matapos maiulat na nawawala noong Pebrero 20.

BASAHIN: Nawawalang college student, natagpuang patay dahil sa hinihinalang hazing