Hindi umano maayos ang pagpapatupad ng public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. matapos ilunsad nitong Miyerkules angHalina’t Magtanim ng Prutas At Gulay, Kadiwa’y Yaman, Plants for Bountiful Barangays Movement (Hapag Kay PBBM) sa Rizal Park sa Maynila.
“Ngayon, doon sa issue sa modernization na sinasabi, sa aking palagay ay kailangan din gawin talaga ‘yan. Ngunit sa pag-aaral ko, parang hindi maganda ang naging implementation nung modernization,” sabi ng punong ehekutibo.
Aniya, kailangang ipatupad ang programa, gayunman, idadaan pa ito sa mahabang talakayan, kasama ang mga maaapektuhan nito, partikular na ang grupo ng mga driver.
“Siguro kaya natin kausapin ang mga transport groups at sabihin natin hindi, babaguhin talaga namin para hindi masyadong mabigat sa bulsa ng bawat isa,” anang Pangulo.
"We have to look properly at what the real timetable is for the introduction of electric vehicles kung talagang kailan, kung puwede na ngayon,” aniya.
“Palagay ko hindi pa puwede ngayon, 30 percent pa lang ng power natin is renewable eh. So hindi pa urgent ngayon, sa ngayon. Hindi pa kaya ng imprastruktura natin so we have to build that up,” dagdag pa ni Marcos.