Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, kinumpirma ni Binibining Pilipinas 2022 1st-runner up at Kapuso actress Herlene “Hipon" Budol, na sasali siya sa Miss Grand International pageant.

"Kung ako ang tatanungin Tito Boy, gusto ko 'yung gusto ng manager ko naman, so, sasali po ako," diretsahang sagot ni Herlene sa tanong ni Tito Boy kung may plano ba itong sumali sa MGI.

Pinasalamatan naman ni Herlene ang kaniyang manager na si Wilbert Tolentino, dahil bukod sa suportang natanggap niya, tinupad din umano ni Wilbert ang kaniyang mga pangarap.

“Tinupad niya 'yung mga pangarap ko na magkaroon ng bahay, sasakyan, mapagamot yung lolo ko, pati yung burol ng lola ko, sinagot niya."

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Dagdag pa ni Herlene, ang kaligayahan umano ng kaniyang manager ang tutuparin niya sa ngayon.

"So 'yung kaligayahan naman po ni Sir Wilbert 'yung gagawin ko na which is kaligayahan ko rin po ngayon na mapasaya ko naman siya."

Tinanong naman ni Tito Boy kung anong katangian ang dadalhin ni Herlene sa MGI.

Deretsahang sagot ni Herlene, "Kapal po ng mukha. Kasi ayun po talaga yung number one puhunan ko sa buhay eh, Tito Boy. Wala po akong kahit anong talent, kapal lang po ng mukha. Bibihira po 'yun, 'yung talent na 'yun."

Matatandaang sumali rin si Herlene sa Miss International Planet sa Uganda, pero umatras kalaunan dahil sa hindi magandang karanasan nito sa nasabing pageant.