Inanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes ang lahat ng indibidwal na may kakayahan at ginintuang puso na tulungan ang pamahalaang lungsod sa kanilang hakbang na mabigyan ng braces ang mga batang nangangailangan nito.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna matapos na mabigyan ng libreng braces ang unang batch ng may 14 na mag-aaral sa iba't-ibang pampublikong paaralan sa lungsod sa pamamagitan ng Manila Health Department, sa pamumuno ni Director Dr. Arnold 'Poks' Pangan.
Ayon kay Lacuna, sa ngayon ay nasa 38 na ang mga mag-aaral na nagkaroon ng libreng braces.
Nagpasalamat rin naman ang alkalde sa mga taong patuloy na tumutulong sa kanilang mga programa, gayundin sa mga public school students sa lungsod.
“Mayroon na naman po tayong bagong 14 na mag-aaral ng pampublikong paaralan na muling nabigyan ng magagandang ngiti sa pamamagitan ng programa ng Manila Health Department," pahayag pa ng alkalde.
"Maraming-maraming salamat po sa lahat ng mga mabubuting-loob na walang-sawang tumutulong sa ating mga pampublikong mga mag-aaral. Nasa 38 na po na mag-aaral ang nagkaroon ng libreng braces. Maraming maraming salamat po sa inyo," dagdag pa niya.
Samantala, tiniyak din ni Lacuna na patuloy ang probisyon ng libreng basic medical services sa mga nangangailangang residente ng lungsod dahil ipinatutupad ang basic health routine programs sa 44 health centers na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila.
Kabilang aniya sa free routine programs at services na ibinibigay sa mga residente ay ang deworming (purga) ng mga bata, family planning, dental at regular check-ups, ECG, pap smear at laboratory na available na rin sa mga health centers.
Ayon kay Pangan, ang lahat ng 44 health centers sa lungsod ay patuloy na bukas para sa mga nangangailangan ng basic health services.
Ang mga health centers ay tinatauhan ng mga kawani ng MHD mula Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM.