Muling nag-post ng kaniyang pasasalamat ang Kapamilya actor na si John Arcilla hinggil sa pagkilala sa kaniya ng senado bilang isang aktor, matapos kilalanin ang kaniyang husay at makatanggap ng Volpi Cup, sa 78th Venice Film Festival.

Sa pagkakataong ito ay nakredito na ni John ang direktor ng pelikulang "On the Job: The Missing 8" na si Erik Matti. Ang pelikulang ito kasi ang nagbigay-daan upang mapansin at magawaran ng parangal ang kaniyang pagganap.

"Taos-puso po ang aming pasasalamat sa ating SENADO sa resolusyong inamyendahan para sa inyong lingkod bilang pagkilala sa aking trabaho bilang AKTOR partikular sa pagganap bilang 'Sisoy' sa pelikulang 'On the Job: The Missing 8' sa direksiyon ni @erikmatti mula sa @realitymmstudios," aniya sa kaniyang Instagram post nitong Linggo, Pebrero 26.

"Isang pagpupugay sa sining ng paglikha at pagganap sa pelikula. Mabuhay ang artistang Pilipino at ang mga mangagawa sa Pelikulang Pilipino. Patuloy nawa tayong pagpalain ng Diyos! Mabuhay."

John Arcilla, inedit na ang pasasalamat post; binanggit na si Direk Erik Matti

Matatandaang sinita at tinawag na bastos ni Matti si John at ang Star Magic dahil hindi man lamang daw nagawang pasalamatan o banggitin man lamang ang pelikulang nagpapanalo sa kanila sa Venice Film Festival.

Kaagad namang inedit ni John ang kaniyang naunang Instagram post at binanggit na si Matti at ang pelikula.