Nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa mga transport group na makipagpulong muna sa mga opisyal ng pamahalaan hinggil sa mga usapin sa kanilang hanay bago maglunsad ng isang linggong tigil-pasada.
Sa panayam ni Communications Secretary Cheloy Garafil, binanggit ni Bautista na mahalaga ang pag-uusap sa pagitan ng mga kinatawan ng transport group, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at DOTr kaugnay sa usapin.
Aniya, dapat na talakayin nang husto ang kanilang hinaing sa isinusulong na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng gobyerno.
“Dapat pag-isipan nating mabuti 'yung pag-stop ng operations. Dapat mag-usap-usap muna. Let’s understand what the issues are kasi baka hindi tayo nagkakaintindihan," pagdidiin ni Bautista.
“Ang problema yata ay hindi nagkaroon ng representatives ang DOTr doon sa mga discussions para ma-clarify kung anuman ‘yung mga issues. I have already instructed the Undersecretary for Road Sector to coordinate with the LTFRB and with the operators,” paliwanag ng opisyal.
Nilinaw din ni Bautista na binibigyan nila ng sapat na panahon ang mga transport group upang makapag-ipon upang makabili ng bagong unit para sa operasyon ng mga ito alinsunod na rin sa naturang modernization program.
Nauna nang nagbanta ang Alliance of Concerned Transport Organizations, Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na magpapatupad ng tigil-pasada simula Marso 6-12.
Partikular na tinututulan ng mga ito ang nasabing programa ng pamahalaan na hindi umano nila kaya dahil sa laki ng gastos.
Argyll Cyrus Geducos