Maaapektuhan ng northeast monsoon o amihan ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Lunes, Pebrero 27, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Aurora, at Quezon dulot ng amihan.
Maaaring magkaroon ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Mindanao at Eastern Visayas bunsod ng localized thunderstorms. Maaari ring maranasan ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon at Visayas dahil din sa amihan. Ngunit walang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.