Sa kauna-unahang pagkakataon, inamin ni Kapuso actor Ken Cha ang tungkol sa ilang mga bagay sa pagitan nila ng katambal na si Rita Daniela, sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."

Inamin ni Ken na nahulog ang loob niya kay Rita, at simula pa lamang ng kanilang serye noon ay may kasunduan na sila sa isa't isa. Matatandaang nagkasama sila sa seryeng "My Special Tatay" sa Dramarama sa Hapon ng GMA Network noong 2018.

“Inamin namin sa isa't isa kung gaano namin kamahal 'yung isa't isa, more than friends, more than katrabaho, beyond that. Pero alam namin 'yung limitasyon namin. May sarili siyang priorities. Ako rin, Tito Boy," pag-amin ni Ken.

Bagama't alam nilang mahal nila ang isa't isa higit pa sa isang loveteam, hindi nga umano ito nauwi sa isang relasyon. Aminado rin si Ken na may ilang bagay silang hindi napagkasunduan ni Rita at nasaktan niya ang damdamin nito.

Ken Chan at Rita Daniela, 'break' na bilang tambalan; siya ba ang pinariringgan noon sa tweets?

“‘Yung mga panahon na ‘yun pinaliwanag ko sa kaniya, nasa point ako na tinatayo ko ‘yung mga business na gusto ko and I wanna focus dun sa business at sa career ko dito sa industriya natin. Naintindihan naman niya pero hindi ko naiwasan na masaktan siya. Nasaktan ko siya.”

Nang tanungin ng King of Talk kung kumusta na sila ni Rita, sinabi ni Ken na maayos na sila. Sa katunayan, pagkatapos ng panayam ay bibisitahin umano ng aktor si Rita upang masilayan ang baby nito.

Matatandaang nagsilang si Rita sa kaniyang baby boy noong Disyembre 24, 2022 na pinangalanan niyang "Baby Uno" o si Juan Andres.

Ang kaniyang boyfriend at ama ng kaniyang anak ay isang non-showbiz businessman.