Mixed emotions daw ang naramdaman ng dating senador na si Bam Aquino matapos mapanood ang 'Ako Si Ninoy' sa naganap na premiere night nito sa Powerplant Mall sa Makati City.

"Mixed emotions noong dumalo kami sa premier ng #AkoSiNinoy last weekend. Na-highlight ng movie yung mga bagay na pinapahalagahan nating lahat - pagmamahal sa pamilya, kapwa, bayan, at Diyos. Mahusay! Congrats sa lahat ng bumubuo ng movie na ito! #TheresAHeroInAllOfUs," ani Aquino.

Bukod kay Bam, nagtungo rin sa premiere night ang isa sa mga anak nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino na si Viel Aquino.

Sa panayam ng ABS-CBN sa dating senador, sinabi niyang mahalagang mapanood ang pelikula upang mapabulaanan ang mga "fake news" at "fake information" na ipinakakalat daw hinggil kay Ninoy.

"Mahalaga na may mga sine na nagkukuwento ng buhay ni Ninoy. Alam naman natin na maraming mga fake news tungkol sa kaniya. Maraming naglalabas na hindi totoo, tuloy-tuloy 'yan from the time na namatay siya hanggang ngayon," ani Bam.

Ibinahagi naman ng direktor nito na si Atty. Vince Tañada ang kaniyang kasiyahan sa pagdalo ng mga kaanak ni Ninoy sa kaniyang pelikula.

Mapapanood ang "Ako si Ninoy" sa darating na Pebrero 22.