Uulanin ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Pebrero 20, dulot ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA, namataan kaninang 3:00 ng madaling araw ang LPA sa layong 195 kilometro sa hilaga ng Legazpi City, Albay o 210 kilometro sa silangan ng Infanta, Quezon.

“The possibility of this weather disturbance to develop into a tropical depression is not ruled out,” anang PAGASA.

Makararanas ng maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Northern Samar bunsod ng LPA o kaya naman ng shear line.

National

PUP nagbukas na rin ng klase para sa female PDLs ng Manila City Jail

Magkakaroon din ng maulap na may pag-ulan sa mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Norte dahil naman sa amihan.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Mindanao, mga natitirang bahagi ng Visayas, at MIMAROPA dahil sa LPA o localized thunderstorms. 

Posible rin ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar naturang lugar tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.

Samantala, makarararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dulot ng amihan. Wala namang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.