Tinutulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang programa ng gobyerno na gumamit ng hybrid seeds sa halip na inbred seeds at sinabing mayroon pang mas magandang paraan para magkaroon ng rice self-sufficiency sa bansa.
Kamakailan ay inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring Department of Agriculture (DA) secretary, ang paggamit ng hybrid rice seeds na balak itanim sa 1.5-milyong ektarya ng lupa.
Ayon sa KMP, target ng gobyernong gawin ang produksyon ng nasabing hybrid seed program sa Panay, Eastern Visayas, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Sa pahayag ni Rafael Mariano, chairperson ng KMP at dating kalihim ng Department of Agrarian Reform, ibinahagi niya na hindi tulad sa certified seeds, ang hybrid rice seeds ay hindi na maaaring i-binhi.
“Palaging bibili ang magsasaka. Ang kumpanya ng hybrid seeds ang may tiyak na kita dito,” ani Mariano.
Lalo rin umanong maghihirap ang mga magsasaka dahil higit na mas mahal ang hybrid rice seeds kaysa sa conventional at inbred seeds.
“Promoting hybrid seeds will not wholly increase the rice yield and productivity output. It will further bury farmers into deeper debt,” ani Mariano.
Kasabay nito’y binigyang-diin ni Mariano na sa halip na lumipat ang bansa sa hybrid seeds, mas epektibo umano ang gawing prayoridad ng gobyerno ang food production para makamit ang rice self-sufficiency.
“Kung yung 4.8 million hectares harvested area for rice natin ay mapataas ang yield ng 5 hanggang 6 na tonelada kada ektarya, maabot natin ang self-sufficiency at hindi na kailangan mag-import,” ani Mariano.
“Dapat magparami tayo ng klase ng binhi ng palay, tuloy-tuloy lang ang seed improvement ng palay at palakasin ang local rice production,” dagdag niya. “Kapag taniman, nakapagtatabi ng binhi ang mga magsasaka, nakakapagpalitan din sila ng binhi (seed exchange). Kapag hybrid rice seeds lang ang ipatatanim, hindi na pwede ito.”
Binigyang-diin din ni Mariano na magkakaroon ng erosion ng genetic diversities kung iisa o iilang klase lamang ng binhi ng palay ang itatanim.
“Kung may genetic uniformities o iisa lang ang binhi, kapag tinamaan ng sakit, peste o virus ang palay, salanta agad,” aniya. “Ganun ang nangyari sa IR8 sa Masagana99 ni Marcos Sr. ‘Yung resistance ng pananim na palay humihina din pagtagal ng panahon kaya dapat patuloy ang breeding at conservation ng mga binhi. Marami na rin tayong improved inbred varieties ng palay kaya hindi dapat ipilit ang hybrid rice lang.”
“Kaming mga magsasaka ang nakakakita kung anong binhi ng palay ang matatag, hindi madaling dumapa at resistant at hindi kayang pasukin ng mga sakit,” saad ni Mariano.