Libu-libong Katoliko ang nakiisa sa idinaos na Walk for Life 2023 ng Simbahang Katoliko nitong Sabado.

Ang Walk for Life 2023 ay sinimulan dakong alas-4:00 ng madaling araw sa Welcome Rotonda sa Quezon City patungong University of Santo Tomas Grandstand sa Maynila, kung saan isinagawa ang programa at Banal na Misang pinangunahan ni Msgr. Bernardo Pantin, ang Secretary General ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP).

Ayon sa Simbahang Katolika, layunin ng naturang taunang aktibidad na itaguyod at isulong ang dignidad at kahalagahan ng buhay.

Una nang sinabi ni Papal Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles John Brown, na isang mahalagang gawain ang pakikilahok sa Walk for Life.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Ayon kay Brown, ang naturang gawain ay pagkakataong ihayag ang paninindigan sa buhay ng tao na lantad sa iba't ibang uri ng panganib.

"This very important gathering is an opportunity for you personally to show your conviction that human life is sacred and the threats to the right to life of all human beings from the moment of conception until natural death should be resisted," anang arsobispo, sa church-run Radio Veritas.

Umaasa rin ang nuncio na nawa'y magsilbing paraan ito upang hikayatin ang bawat mananampalataya na ipagtanggol ang buhay laban sa mga mapaminsalang gawain at programa.

Sa panig naman ni Cardinal Luis Antonio Tagle ng Dicastery for Evangelization ng Vatican, ang Walk for Life ay mahalagang pagtitipon at pagbubuklod ng mananampalataya para itaguyod ang kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.

“Hindi lamang po ito paglalakad kundi ito ay paglalakbay para sa buhay kasi po ang buhay ay isa sa pinaka mahahalagang regalo ng Diyos sa atin at sana sa paglalakbay natin sa kasaysayan wag nating sasayangin at lagi nating protektahan ang regalong ito na buhay,” ani Cardinal Tagle.

Ang tema ng Walk for Life ngayong taon ay 'SANAOL (Synodality, Accompaniment and Nearness). Let's All Walk Together for Life' na hango pa rin sa panawagan ng Santo Papa Francisco na synodality.

Nabatid na taong 2017 nang pasimulan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang Walk for Life.

Pansamantalang natigil ang pagdaraos ng aktibidad nang manalasa ang Covid-19 pandemic at ngayon lamang ito muling naidaos.