Uulanin ang mga lugar sa Luzon at Western Visayas nitong Huwebes, Pebrero 9, dahil sa northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, makararanas ng maulap na may kasamang pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Aurora, at Quezon bunsod ng amihan.
Maaaring makaranas ng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman at minsang malakas na pag-ulan dito.
Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan at pag-ulan sa Metro Manila, Western Visayas, at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa amihan. Ngunit walang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan sa mga lugar dito.
Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.