Pararangalan ng kanilang paaralan at local government unit ang dalawang nursing students na tumulong sa isang 54-anyos na tindera ng mangga, na bigla na lamang ginilitan sa leeg ng kaniyang live-in partner sa Cebu City kamakailan lamang.

Kitang-kita sa CCTV footage na bigla na lamang sumulpot sa likuran ng tinderang si "Bernadeta Zamora" ang isang lalaki, hinila ang buhok nito, at saka ginilitan sa leeg. Napatakbo naman ang ilang kabataang nasa tabi nito, sa mabilis na reaksiyon at pagkatakot sa nangyari.

Makikitang hindi naman nagpatinag ang nakatayong nursing student na si "Angyl Fyth Ababat," 2nd year nursing student, at agad na kumuha ng damit at itinapal sa nagdurugong leeg ng biktima, upang maampat ang pagdanak ng dugo.

Hindi raw iniwanan ni Angyl ang tindera na hanggang ngayon ay nasa intensive care unit (ICU) ng isang ospital.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Bukod kay Angyl, isa pang nursing student na nagngangalang "Kristianne Joice Noelle Ona" ang tumulong din kay Aling Bernadeta subalit hindi lamang nahagip sa camera.

Makatatanggap umano ng scholarship ang dalawa hanggang sa kanilang pagtatapos.

Ayon sa ulat ng pulisya, selos umano ang dahilan ng live-in partner ng tindera kaya nagawa ang krimen.

Samantala, nagbigay naman ng appreciation post ang University of Cebu para sa dalawang bayaning nursing students na isinama na rin nila sa advertisement ng paaralan.