Tila naka-jackpot ang mangingisda na si Jhong Ignacio mula sa Santa Ana, Cagayan matapos itong makahuli ng napakalaking isda na may habang walong talampakan at tinataya umanong 210 kilos ang bigat.

Sa panayam ng Mornings with GMA Regional TV, ibinahagi ni Ignacio, 38 taon nang mangingisda, na nahuli raw nila ang isdang blue marlin noong Enero 23 sa karagatang sakop ng kanilang lugar sa San Vicente, Santa Ana, Cagayan.

Jhong Ignacio. Larawan mula sa Mornings with GMA Regional TV/screengrab

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Dahil sa hindi niya nakayang hulihin ang dambuhalang isda, agad daw siyang tinulungan ng kaniyang mga kaanak para mahuli ito.

Waring jackpot talaga dahil hindi rin daw nahirapan sina Ignacio na ibenta ang nahuling isda dahil agad daw silang pinuntahan ng mga buyer ng blue marlin para bilhin ito.

“Masaya kami po at maraming naitulong itong binigay ng Lord sa amin. Meron kaming mga pambili ng mga gamit, mga pagkain ganun,” ani Ignacio.

“May kaparte rin ‘yung mga tumulong sa amin. Kaya masaya po kaming lahat,” dagdag niya.

Sa 38 taon niyang pangingisda, hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakahuli sina Ignacio ng ganitong kalaking isda.

Ayon kay Ignacio, tatlong taon na ang nakalilipas ay isang higanteng blue marlin din na mas malaki pa rito ang kanilang nahuli sa karagatang sakop din ng kanilang lugar.