“Iiwasan ko ba o babatiin ko na?”
Ito ang isa sa katanungang bumabagabag sa maraming introverts tuwing may nakakasabay o nakakasalubong na kakilala, sa mall man ito, hallway ng opisina o paaralan, o kaya’y sa daan.
Minsan pa, dilemma itong maituturing ng introverts dahil kung iiwasan ang kakilala, maaari silang magmukhang suplado o suplada, ngunit kapag binati naman, ang hello o hi ay nasusundan ng kumustahan at mas mahabang usapan, na nagdudulot upang maubos ang “social battery” nila, na isang terminong tumutukoy sa enerhiya ng isang tao sa pakikipag-usap at pakikisalamuha.
Dahil dito, narito ang ilan sa mga paraan upang magkaroon ng makabuluhang pakikisalamuha nang hindi nauubos ang social battery:
Magkaroon ng malinaw na espasyo o boundaries
Ayon sa pag-aaral ng Therapy Group of DC, dahil kumukunsumo ng enerhiya ng isang tao ang pakikisalamuha o socialization sa iba, posible itong mauwi sa fatigue o pagkapagod at unti-unting pagbabawas ng kakayahang magkaroon ng emotional responsiveness.
Dahil dito, ipinapayo naman ng Medical News Today na maglaan ng sapat na oras o araw ng “recharge” mula sa naging social activity upang maipahinga ang sarili.
Hangga’t maaari din, iwasang hayaan na mapilit ng ibang tao na manatili sa social event kung hindi na kaya ng sarili.
Magkaroon ng “buffer”
Sa ibang pag-aaral, ipinapayo na maglaan ng 15 hanggang 60 minuto bago o pagkatapos ng isang social activity para gumawa ng mga gawaing nakapagpapakalma sa sarili tulad ng paglalakad o kaya’y pakikinig sa tugtog, upang mabawasan o ma-”reset” ang pagod na nararamdaman.
Magkaroon ng maayos na tulog
Dahil nakaaapekto ang tulog sa mood, magkaroon ng sapat na oras nito, lalo na kung mayroong naka-schedule na gala o event upang matiyak na hindi agad mauubos ang enerhiya at maiwasan ang mood swings.
Alamin ang mga bagay na makatutulong sa pag-recharge ng social battery
Ayon din sa Medical News Today, mahalagang mas kilalanin ang sarili at alamin ang mga bagay na makatutulong upang makapagpahinga at ma-recharge ang sarili.
Dahil iba-iba ito kada indibidwal, may ilang nakakapag-recharge tuwing nag-eehersisyo habang mayroon ding nakukuha ang pahinga sa pagbabasa ng libro, gardening, o kaya’y handcrafting.
Magkaroon ng maayos na komunikasyon sa mga kakilala
Panghuli, makatutulong din ang maayos na pagpaparating ng nadarama sa mga kakilala, malapit man itong kaibigan o kaanak upang maiwasan ang mga hindi pagkakaintindihan o misunderstandings.
Dito ay maaari ding banggitin na ang pagtanggi sa isang lakad o gawain ay hindi pag-iwas, ngunit isang paraan ng pagbibigay prayoridad sa sariling kapakanan.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Misconceptions na dapat i-unlearn tungkol sa mga introvert