Nagimbal ang ilang probinsya sa Mindanao matapos tumama sa Sarangani ang magnitude 7.8 na lindol noong Lunes, Hunyo 8, at naramdaman pa sa ilang karatig-probinsya.
MAKI-BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Dahil dito, naantala ang dapat na masaya at pinakaaabangang balik-eskwela ng mga mag-aaral sa Mindanao, kasunod nito ang agad na pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mga klase rito hanggang sa muling makabangon ang mga residente.
"I am also ordering the suspension of classes in all levels across affected areas in Mindanao until further notice. The safety of our children comes first. DepEd will coordinate with local government units on this," ani PBBM.
MAKI-BALITA: Philippine Red Cross, naka-full alert matapos ang paglindol sa Sarangani
Kaya bukod sa pangambang dinala ng lindol sa Mindanao nito lamang Lunes, kasama rin dito ang takot ng mga awtoridad at mga mamamayan sa posibleng pagdating ng “The Big One” na magnitude 7.2 na lindol na inaasahang tatama sa West Valley Fault, na dumadaan sa ilang parte ng Quezon City, Marikina City, Pasig City, Taguig City, Muntinlupa City, at mga probinsya ng Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), bagama’t apat na beses nang gumalaw ang fault line sa nagdaang 1,400 taon, tinatayang 31,000 hanggang 33,500 katao ang masasawi sa pagtama ng inaasahang magnitude 7.2 na lindol.
Bukod pa rito, ang fault na ito ay napag-aralang gumagalaw kada 200 hanggang 400 taon, kung saan, ang naging huling paggalaw ay noon pang 1600s.
Ayon sa pag-aaral ng Pacific Northwest Seismic Network (PNSN), hindi nahuhulaan ang pagdating ng lindol dahil walang anumang siyentipikong paraan upang maisagawa ito, gayundin ang pagkakaroon ng limitadong kaalaman ng mga eksperto sa proseso ng paggalaw ng isang fault.
Sa kasalukuyan, ipinapayo ng PHIVOLCS na magkaroon ng maagap na paghahanda ang bawat pamilya, mula sa sariling tahanan, pagkakaroon ng kumpletong emergency supply kit, pakikiisa sa earthquake drills sa mga paaralan o opisinang kinabibilangan, at paghahanap ng evacuation area sa komunidad.