Viral ngayon sa social media ang post ni Peter Magsipoc tampok ang kanilang pamatay na sorpresa sa kaarawan ng katrabahong si John Michael Domingo sa Culasi, Antique.

Makikita sa video at mga larawan sa kanilang Facebook post ang mga handang nakasilid sa animo’y totoong kabaong, habang may mga nakasabit ditong mga ribbon ng pangalan ng mga mahal sa buhay kunyaring naiwan niya. Napalilibutan ang kabaong ng mga puting bulaklak at kandila. May pampatay na larawan din ni Domingo sa itaas nito, at sa cake nito'y nakadikit ang larawan ng ulo niya habang nakapit na parang patay.

Makikita rin sa video na pagpasok ng birthday celebrant, pinatugtog ang isang malungkot na awitin saka umaktong umiiyak ang mga kaibigan niya. Naluha naman sa tuwa si Domingo sa sorpresa nila sa kaniya, hanggang sa sinakyan din naman niya nang pag-iyak sa tila kabaong niya.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ng uploader na si Magsipoc na nangyari ang nasabing sorpresa noong Enero 17, isang araw bago ang tunay na kaarawan ni Domingo.

Naisip daw nila ang ganitong klase ng konsepto dahil sa pagiging mapagbiro ng kanilang kaibigan.

“Kagaya lamang po ng kung magtatanong kami sa kaniya kung nasaan si ganito/ganyan ang sagot niya ay: hindi mo alam, patay na or nasagasaan na ‘yung hinahanap mo,” kuwento ni Magsipoc.

Nagtulong-tulong daw silang mga katrabaho ni Domingo sa isang restaurant para maging matagumpay ang nasabing sorpresa. Maging ang asawa raw ng kanilang boss ay sumuporta at tumulong din sa nasabing plano.

Ayon pa kay Magsipoc, sulit naman daw ang kanilang sorpresa dahil nakita nila kung gaano nila napasaya ang kanilang kaibigan. Hindi rin nila akalain na magva-viral ito sa social media.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 2,600 reactions, 824 comments, at 7,700 shares ang naturang post.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!