Posibleng magtaas na naman ng singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) dahil sa dalawang linggong maintenance shutdown ng Malampaya Deepwater Gas-to-Power facility sa susunod na buwan.
Ang Malampaya natural gas sa Palawan ay nagbibigay-buhay sa mga power plants na nagsusuplay ng 2,000 megawatts sa Meralco.
Dahil naman sa kawalan ng natural gas mula sa Malampaya na makalilikha sana ng elektrisidad, mapipilitan ang Meralco na maghanap ng ibang mapagkukunan ng gatong.
"So around 40% 'yan of our energy requirements," pagdidiin naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga nitong Biyernes.
Paliwanag ni Zaldarriaga, magkakaroon ng impact sa gastos ang isasagawang maintenance shutdown sa Pebrero 4-18.
Hihintayin pa rin aniya nila ang final billing mula sa mga supplier bago ang isasagawang taas-singil sa kuryente.
Aniya, posibleng maramdaman ang taas-singil sa bill ng mga consumer sa Marso.
Nanawagan naman ang Department of Energy (DOE) sa mga power plant na huwag nang magpatupad ng maintenance shutdown upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng enerhiya.