Isang lalaking miyembro umano ng fraternity ang natagpuang patay sa isang madilim at madamong lugar sa Antipolo City nitong Lunes ng gabi.

Palo ng matigas na bagay sa ulo ang ikinasawi ng biktimang nakilalang si Enrico Cruz, 29, habang inaalam pa ng mga otoridad kung sino ang posibleng may kagagawan ng krimen.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-9:00 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa madilim at madamong lugar sa Phase 2, Steel Homes, Brgy. San Luis, Antipolo City.

Isang concerned citizen umano na sakay ng kaniyang bisikleta at pauwi na sana ng kanilang bahay ang nakakita sa bangkay kaya’t kaagad na ipinagbigay-alam sa mga otoridad.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Lumitaw sa imbestigasyon na ang biktima ay miyembro ng Triskelion Fraternity, na nagpaplanong magtayo ng kanyang sariling chapter.

Huli umanong nakitang buhay ng kanyang mga kaanak ang biktima dakong alas-8:00 ng gabi nang magpaalam na magtutungo sa isang coffee shop upang makipagkita sa kanyang mga ka-brod.

May nakakita pa umano sa biktima na iginarahe ang dalang motor sa guard house sa labas ng isang subdivision.

Gayunman, hindi na ito nakauwi pa ng buhay.

Palaisipan pa umano sa mga otoridad kung bakit napunta sa masukal na lugar ang biktima.

Masusi naman nang iniimbestigahan ng pulisya ang krimen upang matunton ang salarin at alamin ang motibo nito sa pagpatay