May 22, 2026

Home BALITA Metro

May-ari ng tourist bus na nasunog sa EDSA, pinagbabayad ng DPWH!

May-ari ng tourist bus na nasunog sa EDSA, pinagbabayad ng DPWH!
Photo courtesy: Contributed photo

Naglabas ng pormal na demand letter ang Department of Public Works and Highways (DPWH) laban sa kumpanyang may-ari ng bus na nasunog kamakailan sa EDSA-Ortigas Interchange, upang sagutin ang gastos sa pagkukumpuni ng nasirang bahagi ng flyover.

Sa liham na ipinadala sa LS8 Tourist Transport Corporation, sinabi ng DPWH na ang sunog na tumagal ng halos isang oras noong nakaraang Biyernes, Abril 24, 2026, ay nagdulot ng matinding init na nakaapekto sa “soffit of the box girder at span 7” ng istruktura.

Batay sa paunang pagsusuri ng ahensya, nakitaan din ng iba pang pinsala ang flyover kabilang ang pagbitak at pagkakalas ng kongkreto, paglantad ng mga bakal na bahagi sa ilang lugar, at pagbabago ng kulay sa ilalim ng tulay na indikasyon ng sobrang taas na temperatura na naranasan nito.

Matatandaang nasunog ang bus sa southbound lane ng EDSA-Ortigas flyover na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Nilagdaan ni DPW Sec. Vince Dizon, ang naturang demand letter.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

Iginiit ng DPWH na mananagot ang operator at may-ari ng sasakyan alinsunod sa probisyon ng Civil Code hinggil sa “quasi-delict,” kung saan pinapanagot ang mga employer at kanilang kinatawan sa pinsalang dulot habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Dahil dito, inaatasan ang kumpanya ng bus na sagutin ang lahat ng paunang gastos sa pagkukumpuni at bayaran ang pamahalaan sa anumang karagdagang gastusin para sa permanenteng rehabilitasyon ng tulay.

Sinabi rin ng DPWH na ang kanilang hakbang ay hindi pa hadlang sa iba pang posibleng legal na aksyon, at hiniling ang agarang pagsunod ng kumpanya upang matiyak ang kaligtasan at integridad ng naturang pangunahing kalsada.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang LS8 Tourist Transport Corporation kaugnay ng insidente hanggang sa oras ng pag-uulat.