Sinabi ni Senador Risa Hontiveros sa kaniyang talumpati sa Philippine Metalworkers’ Alliance nitong Biyernes, Mayo 1, na kahit ilang beses na itaas ang sahod ng mga manggagawa ay magkukulang at magkukulang ito kung kasabay daw nito ang pagtaas din ng presyo ng pangunahing bilihin at pamasahe.
Sa kaniyang talumpati sa Lipa, Batangas ngayong Labor Day, nanawagan si Hontiveros sa gobyerno na palawigin ang mga social service upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa epekto ng krisis na dulot ng sigalot sa Middle East.
Dito ay sinabi niyang magkukulang pa rin ang sahod ng bawat manggagawang Pilipino kung kasabay ang pagtaas ng presyo ng pagkain at pamasahe.
“Magkukulang at magkukulang ang sahod ng mga manggagawa kahit ilang beses pa iyan taasan kung kasabay nito ang pagtaas rin ng presyo ng pagkain at pamasahe,” anang senadora.
“Mayroong P30 billion ang DSWD para sa AICS na sa tingin ko ay dapat ibigay na lang sa DOTr para sa service contracting. Sa ganitong paraan, makakasiguro ang mga driver ng mga bus at jeep na may kikitain sila at magtutuloy-tuloy ang kanilang pamamasada,” saad ni Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Noong Marso ko pa sinulatan ang DBM para malaman kung paano pwedeng ilipat ang pondo para sa AICS patungo sa service contracting. Nakakadismaya nga lang na hanggang ngayon hindi pa rin ako nakatanggap ng sagot mula sa kanila.”
Sinisikap din ni Hontiveros ang maipasa ang P52.8 billion supplemental budget, na kinabibilangan ng P12 bilyong subsidiya para sa PUV drivers, Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers, at delivery riders.
“Pangmatagalan dapat ang ginhawang binibigay ng gobyerno sa mga kababayan natin, lalo na sa ating mga manggagawa. Ibig sabihin, kinakailangan ng malawakang reporma para mapunan ang kakulangan sa pagkain, transportasyon, at serbisyo sa tao,” ayon pa sa Senadora.
“Ang mga unyon ay hindi lang lumalaban, kundi dapat ay namumuno rin. Ang mga kumpanya ay dapat magturo at hindi lang maghabol ng kita. At ang gobyerno ay hindi dapat pinanonood lang ang paghihirap ng taumbayan sa gitna ng krisis, kundi nagbibigay ginhawa para sa lahat."
An advocate for workers’ rights even when she was still in school, Hontiveros assured that she will continue to push for policies that will uplift the lives of Filipinos.
Bilang isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa, tiniyak ni Hontiveros na patuloy aniyang isususlong ang mga patakarang magpapaangat sa buhay ng mga Pilipino.
“Huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Dahil habang patuloy tayong magkakasama, makakamtan natin ang magandang kinabukasan,” anang senadora.
“Hindi ko kayo iiwan.”