Magbabalik na bilang news anchor ng "TV Patrol", ang flagship newscast ng ABS-CBN, si Kabayan Noli De Castro, ayon mismo sa batikang mamamahayag.

Magbabalita at magbibigay ng update si Kabayan nang live mula sa Quirino Grandstand para sa kapistahan ng Poong Nazareno ngayong 2023. Isa si Kabayan sa mga celebrity na deboto ng Itim na Nazareno.

“Magkita-kita tayo sa Lunes. Live ho ako sa Quirino Grandstand para sa TV Patrol,” pahayag ni De Castro sa kaniyang programang "Kabayan" sa TeleRadyo.

Malaking tanong ngayon kung permanente na bang idaragdag si Kabayan sa line-up nina Henry Omaga Diaz, Bernadette Sembrano-Aguinaldo, at Karen Davila tuwing weekdays, o kung sa araw lamang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Sina Alvin Elchico at Zen Hernandez naman ang anchors nito tuwing weekend.

Matatandaang nagbitiw sa TV Patrol si Kabayan noong 2022 dahil sa kaniyang pagtakbo sa pagka-senador sa ilalim sana ng tiket ni dating Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.

Ilang araw lamang ang nakalilipas, inanunsyo ni Kabayan na hindi na siya tutuloy sa kaniyang balak na pagtakbo sa pagka-senador. Magpapatuloy aniya siya sa pagseserbisyo-publiko subalit sa pamamagitan ng pagbabalita at pagbibigay-komentaryo.