Usap-usapan ngayon ang umano'y tatlong linggo na lamang na pag-ere ng superhero-drama series na "Mars Ravelo's Darna: The TV Series" at papalitan na ito ng "FPJ's Batang Quiapo" ni Coco Martin.

Ayon sa ulat, sa Lunes, Enero 9 na raw magsisimula ang huling tatlong linggo ng paglipad ni Darna sa ere at lalanding na ito sa Enero 27. Enero 30 naman umano papasok ang bagong show nina Coco kasama sina Lovi Poe at Charo Santos-Concio.

'Probinsyano noon, batang Quiapo ngayon!' Coco, Martin, balik-serye kasama sina Lovi Poe, Charo Santos

Sa kabila ng mga ulat na ito sa iba't ibang social media pages, wala pang kumpirmasyon o opisyal na pahayag mula sa JRB Creative Production o maging sa ABS-CBN, kung totoo ba ang bali-balitang ito.

Matatandaang nagsimula ang paglipad sa ere ni Darna na pinagbibidahan ni Jane De Leon noong Agosto 15, 2022. Noong Nobyembre naman ang pagpasok ng season 2, kung saan, nadagdag sa cast si Kira Balinger bilang "Luna".

Halo-halo ang naging feedback ng mga manonood sa Darna. May mga pumupuri sa cast lalo na kina Jane De Leon (Narda/Darna), Janella Salvador (Regina Vanguardia/Valentina), at Joshua Garcia (Brian), subalit marami rin ang pumununa sa CGI o computer-generated image nito.

Dumipensa naman ang direktor ng serye at sinabing ginagawa nila ang lahat nang makakaya nila upang maghatid ng magandang palabas para sa Kapamilya viewers.