Posibleng ituloy muli ng gobyerno ang Libreng Sakay program nito ngayong 2023.

Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Joel Bolano, hepe ng technical division ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kasama sa 2023 national budget ang gagamitin sa programa.

Pinaplantsa pa rin aniya ang panuntunan ng naturang libreng sakay para sa maayos na implementasyon nito.

"May nakalaan namang budget para rito kaya lang sa ngayon, fina-finalize pa ang guidelines ng department," sabi ng opisyal.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Nauna nang isinapubliko ni Senator Sonny Angara na mayroon nang ₱2.16 bilyong nakalaan para sa programa.

Gayunman, hindi pa masabi ni Bolano ang mga lugar na saklaw ng programa. 

"Magiging dependent ito kung saan aabutin nito (budget), kung Metro Manila lang ba o kung isasama 'yung ibang original offices natin, probinsya," banggit pa ng opisyal.

Matatandaang tinapos na ng gobyerno ang implementasyon ng free rides nitong Disyembre 31, 2022 dahil na rin sa kakulangan ng pondo.