Itinanghal na most valuable player (MVP) ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 si University of the Philippines (UP) center Malick Diouf nitong Miyerkules.
Kabilang si Diouf sa binigyan ng individual award bago magsimula ang Game 2 ng Finals sa Araneta Coliseum.
Matapos ang elimination round, nakaipon si Diouf ng 73.857 statistical points dahil sa kanyang 10.79 puntos, 10.86 rebounds, 2.86 assists, 1.5 steals, at 1.57 blocks per game.
Kabilang din si Diouf sa limang miyembro ng Mythical Five na kasama sina Carl Tamayo (UP), Forthsky Padrigao at Dave Ildefonso (Ateneo de Manila University), at Luis Villegas ng University of the East.
Hinirang naman na Rookie of the Year si Kevin Quiambao ng Dela Salle University matapos lumobo ang statistical points nito na 56.615 mula sa kanyang 11.23 puntos, 6.54 rebounds, 3.23 assists, 1.08 steals, at 0.38 blocks pagkatapos ng elimination round.