Maliit na ang posibilidad na humagupit sa bansa ang bagyong Rosal, ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga.
Gayunman, sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio, makararanas pa rin ng matinding pag-ulan ang Region 4B o MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) ngayong araw.
Patuloy pa aniyang lumalakas ang bagyo na huling namataan sa Philippine Sea o 330 kilometer (km) silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay ng bagyo ang hanging 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong hanggang 55 kph.
Ito ay kumikilos pa-hilagang silangan sa bilis na 20 kph.
Posible aniyang magkaroon ng flashflood at landslide sa mga nabanggit na lugar.
"In the next 24 hours, the surge of the Northeast Monsoon partly enhanced by this tropical depression may bring occasional gusts reaching gale-force over Batanes and Babuyan Islands, and strong breeze to near-gale strength over the Ilocos Norte, the northern and eastern portions of Cagayan, the eastern portion of Isabela, Calaguas Islands, and the extreme northern portion of Catanduanes," babala ng PAGASA.
Idinagdag ni Aurelio na posibleng humina na ang bagyo sa Miyerkules.
Ito na ang ika-18 bagyo na pumasok sa bansa ngayong 2022, ayon pa sa ahensya.