Naaresto na ang lalaking call center agent matapos siyang ireklamo ng isang miyembro ng LGBTQIA+ community na dati niyang naka-chat sa isang dating app.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nadakip ang suspek sa loob ng kumpanyang kaniyang pinagtatrabahuhan.
Lumabas sa imbestigasyon na ilang araw pa lamang magkakilala ang dalawa sa pamamagitan ng isang online dating platform bago sila nagkasundong magkita. Sinundo umano ng suspek ang biktima sakay ng motorsiklo upang magpunta sana sa isang coffee shop.
Habang nasa biyahe, nagpahayag umano ang lalaki na hindi siya pamilyar sa kanilang pupuntahan kaya nakiusap siyang gamitin ang cellphone ng biktima para sa direksyon.
Doon na raw paulit-ulit na ni-la-lock ng suspek ang cellphone at saka pinapa-unlock sa biktima upang makabisado ang passcode ng target niyang cellphone.
Hindi nagtagal, huminto umano sila sa isang gasolinahan. Pagkababa ng biktima, mabilis na umalis ang suspek sakay ng motorsiklo habang dala ang cellphone ng babae na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱89,000.
Matapos ang insidente, ibinahagi ng biktima ang kaniyang naranasan sa social media upang magbigay ng babala sa iba na maging maingat sa pakikipagkita sa mga nakikilala lamang online.
Dahil dito, may mga lumapit umano sa kaniya at nagsabing may iba pang nakaranas ng kahalintulad na modus mula sa parehong suspek.
Bagama’t nakatanggap daw siya ng iba’t ibang komento mula sa netizens, nagpaalala ang biktima sa kaniyang TikTok account hinggil sa mga taong nakaranas ng traumang nangyari sa kaniya, at kapwa pa niya biktima.
“Hindi ito usapin kung paano ako manamit, [kung] paano ko i-express yung sarili ko o kung bakit ako nakikipag-meet ng 2AM,” anang biktima.
Dagdag pa niya, “Ang usaping ito ay kung anong nangyari sa phone ko, at kung bakit ko ito inireport sa authorities, at yung trauma na iniwan ng mga pangyayaring ito. Hindi lang sa akin, kundi sa mahigit 20 pang taong kumapit sa akin with their own experiences.”
Nakatulong din ang impormasyong ibinigay ng isang concerned citizen upang matukoy ang pinagtatrabahuhan ng lalaki. Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na humantong sa kaniyang pagkakaaresto.
Samantala, iginiit din ng biktima na nananatiling bukas ang kaniyang linya para sa iba pang posibleng nabiktima rin ng naturang suspek.
"Kung kilala n'yo yung person involved and you genuinely believe na naging victim din kayo, please message me privately. And if may screenshots, conversations or any other evidence, please keep and preserve them," aniya pa.
Patuloy pang inaalam ng MPD kung may iba pang naging biktima ang suspek at kung may iba pa itong kinasasangkutang kaparehong insidente.