Nasa anim na miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay matapos makasagupa ng tropa ng gobyerno sa Las Navas, Northern Samar nitong Miyerkules.

Sa pahayag ng 803rd Infantry Brigade (IB) ng Philippine Army na naka-base sa Camp Sumoroy, Dalakit, Catarman, Northern Samar, hindi pa nakikilala ang anim na napatay na pinaniniwalaang miyembro ng Eastern Visayas Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA.

Nagsasagawa ng operasyon ang nasabing military unit sa Barangay Imelda, Las Navas nang makasagupa ng mga ito ang grupo ng mga rebelde.

Matapos ang sagupaan, anim na bangkay ng mga rebelde ang narekober sa lugar at narekober din ng militar ang 18 na iba't ibang uri ng baril.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Paniwala naman ni 803rd IB commander, Col. Perfecto Peñaredondo, ang nasabing grupo ang sumalakay sa mga sundalo at pulis na nagsasagawa lamang ng community support program immersion sa Brgy. Dornillo, Jipapad, Eastern Samar nitong Oktubre 7 na ikinasawi ng dalawang sundalo.

Tinutugis pa rin ng tropa ng gobyerno ang iba pang miyembro ng rebelde na nasa likod ng nasabing pag-atake.