MACALELON, Quezon -- Nasawi ang 49-anyos na magsasaka nang ma-hit-and-run habang pauwi sa kaniyang tahanan matapos makipaglamay sa kaniyang kaibigan nitong Miyerkules ng madaling araw, Nobyembre 9 sa Brgy. Olongtao.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Abel Acejo Maquinto, 49, residente ng Brgy. San Nicolas ng bayang ito.

Ayon sa ulat, mag-isang naglalakad ang biktima sa barangay road dakong alas-2:20 ng madaling araw galing sa lamay ng kaniyang kaibigan.

Pauwi na ito sa kaniyang tahanan nang mabangga ng hindi pa mabatid na sasakyan at tinakbuhan ito ng drayber. Bumulagta ito sa daan at nagtamo ng grabeng pinsala sa ulo na ikinasawi ng biktima.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Base sa inisyal na pagsisiyasat, nakitang may mga bakas at marka ng isang tricycle sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Naghahanap ngayon ang Macalelon PNP ng kuha ng CCTV sa mga katabing lugar para sa posibleng pagkakakilanlan ng sasakyan at pag-aresto ng drayber nito.